-- Advertisements --

Nilinaw ng Malacañang na walang hinihinging kapalit ang Russia para sa pagpapalaya sa 24 Pilipinong detenido sa nasabing bansa.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, binanggit lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kalagayan ng mga Pilipino sa kanyang bilateral meeting kay Russian President Vladimir Putin.

Nagulat umano si Putin nang malaman ang tungkol sa mga Pilipinong nakakulong at agad na ipinangakong susuriin ang kanilang kalagayan. 

Sinabi ni Pres. Putin na hahanapan niya ito ng solusyon alinsunod sa batas at polisiya ng Russia.

Binigyang-diin ni Castro na nirerespeto ng Pilipinas ang mga batas ng Russia, at naging positibo ang tugon ni Putin na nagresulta sa agarang pagpapauwi sa mga Pilipino.

Lubos na ikinagalak ng Pangulong Marcos ang positibong tugon ni Pres. Putin.

“Wala po. Sa Bilateral meeting, in-open lang po ng Pangulo ang patungkol sa 24 Filipinos na naka-detain sa Russia and at the time na ito ay nabanggit ng Pangulo – ito kasi ay bandang dulo na bago magtapos. Of course, hindi natin inaasahan at hindi rin naman  inaasahan agad ng Pangulo kung ano iyong magiging response ni President Vladimir Putin pero ikinagulat na nga niya na may mga Pilipino na nasa Russia at agad-agad niyang sinabi na titingnan kung anong estado ng mga kababayan natin doon at bibigyan ng solusyon na naayon sa batas at naayon din naman sa polisiya dahil sinabi ng Pangulo bago niya ito hilingin ay pinauna na niya na nirirespeto ng Pilipinas ang batas at polisiya ng Russia pero naging maganda po ang response ng Russia, ni President Putin dahil napauwi po agad ang ating mga kababayan,” pahayag ni USec. Claire Castro.