Bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga panukalang batas na maghihigpit sa paggamit ng social media ng mga menor de edad upang maprotektahan sila laban sa mga panganib tulad ng cyberbullying at mga isyu sa kalusugang pangkaisipan.
Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro nang tanungin kung nakikita ng administrasyon ang pangangailangang repasuhin ang access ng mga bata sa social media, katulad ng mahigpit na pagpapatupad ng ilang bansa gaya ng Australia, France, at United Kingdom.
Ayon kay Castro, napag-usapan na rin sa pamahalaan ang epekto ng labis na paggamit ng ilang online applications sa mga kabataan, partikular ang pagkahumaling sa mararahas na online games.
Dagdag pa niya, magandang mungkahi ang pagkakaroon ng batas na magtatakda ng mas mahigpit na regulasyon sa paggamit ng social media at iba pang online platforms ng mga bata.
Umaasa rin ang opisyal na agad makakagawa ng kaukulang batas ang Kongreso upang matugunan ang nasabing isyu at mapangalagaan ang kapakanan ng mga kabataan sa digital na panahon.















