Nanawagan si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno sa Department of Education (DepEd) na tugunan ang umiiral na “kultura ng pananahimik” ng mga biktima ng bullying kasunod ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng 20 iba pa.
Ayon sa mga ulat, umano’y naging biktima ng bullying ang dalawang menor de edad na suspek sa insidente sa San Jose National High School.
Binigyang-diin ni Diokno na dapat manatiling ligtas na lugar ang mga paaralan at walang puwang ang bullying sa mga institusyong pang-edukasyon.
Hiniling din niya ang masusing imbestigasyon sa posibleng pagkukulang sa seguridad matapos makapasok ang baril sa loob ng paaralan.
Sinabi rin ng mambabatas na kailangang tugunan ang ugat ng karahasan, kabilang ang bullying, mga suliranin sa tahanan at online spaces, gayundin ang mga butas sa regulasyon at pagpapatupad ng batas sa baril.
Kasabay nito, hinimok ni Diokno ang DepEd na magsumite ng pondo para sa pagpapalawak ng mga anti-bullying program, kabilang ang Learner TeleSafe helpline, upang mapalakas ang proteksyon at kapakanan ng mga mag-aaral.









