-- Advertisements --

Nagbabala ang state weather bureau na limang lalawigan sa MIMAROPA at ang Kalayaan Island Group ang kabilang sa 47 lugar sa bansa na posibleng makaranas ng tuyong kondisyon pagsapit ng Nobyembre 2026.

Sa seasonal climate outlook nito, tinukoy ang Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Kalayaan Island Group sa Palawan na inaasahang makakaranas ng mas mababa sa normal na ulan sa huling bahagi ng taon.

Ayon sa weather bureau, ang “dry conditions” ay 21% hanggang 60% na pagbaba ng ulan sa loob ng dalawang magkasunod na buwan.

Bagama’t hindi pa ito drought o tagtuyot, maaari pa ring maapektuhan ang suplay ng tubig at agrikultura kung hindi maagapan.

Mas seryoso naman ang sitwasyon sa Camarines Sur na posibleng makaranas ng dry spell o higit 60% na kakulangan sa ulan sa loob ng dalawang buwan.

Nilinaw naman ng ahensiya na wala pang lugar sa bansa ang inaasahang aabot sa drought level.

Kaugnay nito, hinihikayat ng ahensya ang mga lokal na pamahalaan at mga sektor na maghanda at mag-monitor ng mga update upang mabawasan ang epekto nito sa tubig at produksyon ng pagkain.