-- Advertisements --

Patuloy na makaaapekto ang easterlies o mainit na hanging nagmumula sa Karagatang Pasipiko sa Southern Luzon, Visayas, at silangang bahagi ng Mindanao ngayong Huwebes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulo-pulong pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Visayas, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, at Davao Oriental.

Nagbabala ang PAGASA na maaaring makaranas ng pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar na makakaranas ng malalakas na thunderstorm.

Samantala, makararanas din ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ng bahagyang maulap hanggang maulap na papawirin na may posibilidad ng panaka-nakang pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng localized thunderstorms.

Binabantayan din ng PAGASA ang isang Low Pressure Area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility.

Mayroon itong katamtamang posibilidad na maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras..

Inaasahan din ang mahina hanggang katamtamang lakas ng hangin at bahagya hanggang katamtamang mga alon sa mga baybayin ng Luzon, Visayas, at Mindanao.