-- Advertisements --

Mahigit 80 road sections at tulay sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ang ganap nang “cleared” at muling nadadaanan ng mga sasakyan matapos ang serye ng clearing operations kasunod ng pananalasa ng magkakasunod na bagyo at ng pinalakas na hanging habagat.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga naturang kalsada ay pansamantalang hindi nadaanan dahil sa mga pagguho ng lupa, mga natumbang puno, at malawakang pagbaha.

Sa tulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng mga lokal na pamahalaan, naisakatuparan ang mabilis na paghahawi ng debris upang maibalik ang daloy ng transportasyon at maipahatid ang relief supplies sa mga apektadong residente.

Batay sa huling tala ng pamahalaan, umabot sa higit P6 bilyon angKabuuang pinsala sa pampublikong imprastraktura sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Pinayo pa rin ng NDRRMC sa mga biyahero na manatiling maingat sa pagmamaneho, partikular sa mga bulubunduking kalsada na posibleng muling magkaroon ng pagguho ng lupa kapag umulan.