BUTUAN CITY – Nagbanggaan ang isang multicab at tourist van na parehong may sakay na mga atleta para sa Palarong Pambansa 2026 kahapon ng hapon sa Poblacion, Prosperidad, Agusan Del Sur.
Nabatid na ang multicab na inupahan ng delegasyon mula sa MIMAROPA upang magsundo at maghatid ng mga atleta ay pabalik na sana sa kanilang billeting quarters mula sa playing venues nang umano’y makatulog ang drayber dahilan upang bumangga ito sa tourist van na naghahatid naman ng mga atleta ng National Capital Region mula sa Bancasi Airport sa Butuan City.
Ayon sa drayber ng van na si Warlito Marangga, napansin na niya ang multicab na nasa slow lane at lumipat pa sa fast lane ngunit hindi na umano nito naibalik ang manibela kaya naganap ang banggaan.
Upang maiwasan ang head-on collision, umiwas ang van ngunit tinamaan pa rin ang gilid na parte sa unahang bahagi dahilan upang maipit ang drayber.
Ligtas naman ang drayber sa multicab habang nagtamo lamang ng minor injuries ang ilang coaches at atleta na agad dinala sa Democrito O. Plaza Memorial Hospital.
Wala namang nasugatan sa mga sakay ng van.
Kabilang sa mga unang rumesponde si Agusan del Sur Vice Governor Patricia Anne Plaza na napadaan sa lugar at siya umanong tumawag sa emergency rescue team.
















