Hinikayat ng Philippine National Police (PNP) ang mga paaralan na makipag-ugnayan muna sa pulisya bago magsagawa ng off-campus activities upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., makatutulong ito sa pagsasagawa ng security assessment, emergency response planning, traffic management, at koordinasyon sa rescue at medical services.
Ang panawagan ay kasunod ng pagkalunod ng dalawang student-athletes ng Ateneo de Manila University sa isang team-building activity sa Aurora.
Iniutos na rin ng PNP sa lahat ng regional offices at local police stations na palakasin ang koordinasyon sa Department of Education at Commission on Higher Education.
Nauna na ring hinikayat ng PNP ang mga paaralan na paigtingin ang mental health at psychosocial support para sa mga estudyante, matapos ang sunod-sunod na insidente ng pananaksak at iba pang karahasang kinasasangkutan ng mga kabataan.
















