KALIBO, Aklan—Paunti-unti ay bumabawi ang mga negosyante sa isla ng Boracay sa naluging negosyo dulot ng global public crisis na coronavirus disease o Covid-19 pandemic sa nagpapatuloy na epekto nito sa turismo mula pa noong buwan ng Marso.
Kasunod ito sa bahagyang pagtaas ng tourist arrival sa unang linggo ng Nobyembre 1-9, 2020 na umabot sa 866 tourist.
Sa kabila ng niluwagan ang travel restriction papunta sa lalawigan ng Aklan sa muling pagbukas ng Boracay ay may mga turista pa rin na nag-aalinlangan na tumawid sa isla dahil sa requirement na negatibong resulta ng Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction o RTPCR test.
Dahil dito, sinabi ni Malay mayor Frolibar Bautista na nagsusumamo na sila sa Boracay Inter-Agency Task Force and the Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na tanggalin ang Covid-19 test requirement at dagdag gastos lamang ito para sa mga gustong pumunta sa Boracay.
Naghahanap na lamang aniya ng paraan ang mga negosyante upang manatiling nakatayo ang kanilang negosyo hanggang sa tuluyang bumuti ang sitwasyon sa sektor ng turismo.