Iginiit ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na dapat isama din sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbitiw sa pwesto ang mga namumuno sa mga “under-performing” na ahensiya ng gobyerno at korporasyon.
Sa isang statement, binanggit ng anti-crime advocacy group ang mga lider ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) gaya ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), gayundin ang Bureau of Customs, Bureau of Immigration at Philippine National Police (PNP) na dapat bumaba sa pwesto at hayaan ang Pangulo na ayusin ang gobyerno para magampanan ang mandato nito sa mamamayang Pilipino.
Ipinunto ni VACC president Arsenio Evangelista na hindi lang dapat na Cabinet Scretaries ang hilinging magbitiw, dapat ding isama ang mga pinuno ng ahensiya tulad ng PCSO at PAGCOR na nilulustay umano ang kaban ng bayan sa mga gawain na aniya’y walang pakinabang sa mga Pilipino.
Saad pa ni Evangelista na paulit-ulit na nasangkot ang PCSO sa iba’t ibang mga isyu kabilang na ang umano’y korupsiyon sa loob ng ahensiya na inimbestigahan sa Senado.
Kabilang na ang kwestyonableng mga nanalo sa lotto at ang mga report na minanipula ng PCSO insiders ang resulta para paburaan ang ilang mga indibidwal, subalit itinanggi naman ito ng PCSO.
Inihayag din ng VACC official na binatikos din ang PAGCOR sa pagpayag sa iligal na operasyon ng POGO sa bansa.
Tinukoy din ni Evangelista ang BOC at BI na nasangkot din sa mga kontrobersiya na nananatili pa ring hindi nareresolba.