Hindi na raw ma-contact ng mga otoridad ang may-ari ng pagawaan ng lambanog na sanhi ng pagkamatay ng ilang residente sa bayan ng Rizal sa Laguna at Candelaria, Quezon.
Ayon kay Rizal Police chief police Capt. Lindley Tibuc, hindi na nagparamdan si Fred Rey na siyang may-ari ng Rey Lambanog mula San Juan, Batangas matapos mangako kahpon na makikipagtulungan ito sa mga otoridad.
Nitong araw nang madagdagan pa ang bilang ng mga nasawi dahil sa pag-inom ng naturang brand ng inumin, kung saan pumalo na sa 15.
Ang 12 dito ay mula sa bayan ng Rizal.
Kinumpirma naman ni Candelaria Mayor Macario Boongaling na parehong brand din ng lambanog ang ininom ng tatlong nasawi mula sa kanyang bayan.
Nasa higit 300 na ang naitalang bilang ng isinugod sa iba’t-ibang ospital dahil sa pananakit ng tiyan at iba pang sintomas.
Ayon sa pulisya, bagamat ligal ang operasyon ng pagawaan ng lambanog ay walang permit ang produkto nito mula sa Food and Drug Administration.
Hindi naman na raw magsasampa ng kaso ang ilang naulilang pamilya basta’t tutulungan sila ng may-ari.
Pero ayon kay Capt. Tibuc, inihahanda na nila ang kaso reckless imprudence resulting to multiple homicide and multiple injury bunsod ng mga hawak nilang testigo.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ng isa sa mga staff ng Office of the Mayor ng Rizal, Laguna na si Bong Isles, na may mga hakbang na rin na ginawa ang lokal na pamahalaan kaugnay ng kaso.