Walang nakikitang indikasyon ang Phivolcs na magkakaroon ng malaking pagsabog sa Taal Volcano.
Ayon kay Paolo Reniva, resident volcanologist ng Taal Volcano Observatory, walang inaasahang malaking pagsabog sa naturang bulkan sa kabila na rin ng mga aktibidad nito nitong weekend.
Ang naitala aniya kahapon, araw ng Sabado, hanggang ngayong Linggo ay pawang mahihinang phreatomagmatic bursts sa main crater.
Nangyayari aniya ito tuwing nagkakaroon ng contact ang tubig sa mainit na bahagi naman ng bulkan.
Dagdag pa ni Reniva, maiikli lamang at tumatagal lamang ng 10 segundo hanggang dalawang minuto ang naturang mga bursts.
Pero lumikha naman ito ng plume na mayroong taas na 400 hanggang 900 metro.
Gayunman, wala namang inirerekomendang paglikas sa mga residenteng nakatira malapit sa bulkan.
Subalit sa kabila nito ay pinapaalalahanan ang mga mangingisda na huwag munang manatili ng matagal sa malapit sa Taal Volcano Island.