-- Advertisements --

Humarap ang mga miyembro ng Kamara na pinangunahan ni Zamboanga del Norte Rep. Glona Labadlabad, chairman ng Komite ng inter-parliamentary relations and diplomacy, kay United Nations Special Rapporteur (UNSR) Irene Khan, upang talakayin ang pagsusulong at proteksyon ng karapatan sa kalayaan sa opinyon at pamamahayag sa bansa.

Inilarawan ni Labadlabad ang pulong bilang isang makasaysayang pag-uusap na kumakatawan sa magkatuwang na paninindigan ng Kapulungan at UN sa karapatang pantao, pagkakapantay-pantay at bukas na talakayan.

Tiniyak niya rin ang hindi matatawarang paninindigan ng Kongreso sa transparency, pananagutan, pagiging inklusibo, at ang pagtataguyod ng mas magandang Pilipinas.

Tinalakay din ni Negros Occidental Rep. Juliet Marie Ferrer, chair ng Komite on Justice  kay Khan ang mga panukala na may kaugnayan sa kalayaan sa opinyon at pamamahayag, at tiniyak na gumagawa ng hakbang ang Kapulungan upang magarantiya ang kalayaan sa pamamahayag, impormasyon at ng press, alinsunod sa Konstitusyon ng Pilipinas.

Inisa-isa ni Ferree ang 14 na mga House bills na magpapatakbo sa karapatan sa impormasyon, at ang polisiya sa ganap na public disclosure sa lahat ng mga ahensya ng pamahalaan at mga kaugnay nito.

Ipinahayag rin ni Ferrer ang iba’t ibang panukala sa Kapulungan ng mga Kinatawan, partikular na ang kalayaan sa pamamahayag at opinyon, sa mga kapakanan ng mga mamamahayag, at ang proteksyon ng mga journalists at kanilang mga pinagkukunan ng impormasyon.