Bumaba pa ang bilang ng mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Batay sa datos ng PNP Joint Task Force Covid Shield, bumaba sa 872 ang mga naka-lockdown na lugar mula sa 970 kahapon.
Nanguna ang Cordillera sa may pinakamaraming naka-lockdown na lugar na umabot sa 504.
Sinundan ito ng National Capital Region (NCR) na umabot sa 120 at Central Luzon na umabot sa 84.
Nagmula sa 597 na barangays sa 77 na lungsod at munisipalidad ang mga naka-lockdown na lugar.
Apektado ng lockdown ang 24,981 na kabahayan at 41,076 na indibidwal.
Naka-deploy ang 666 na mga pulis at 1,360 force multipliers upang matiyak na nasusunod ang minimum public health safety standards.
Samantala sa Quezon City nasa 37 lugar na lamang ang nasa special concern lockdown mula sa mahigit 50 nuong mga nakalipas na linggo.
Nilinaw ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU ) na partikular na lugar lamang ang sakop ng SCLA at hindi buong barangay.