CAUAYAN CITY- Hindi hadlang ang pagod sa mga volunteers at kawani ng Our Lady of the Pillar Parish Chuch (OLPPC) para mamahagi ng tulong sa mga biktima ng pagbaha sa mga malalayong barangay ng Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Fr. Rusty Aggabao, Asst. Parish Priest ng OLPPC na hindi nila alintana ang pagod, puyat at gutom para lamang maipamahagi ang mga natatanggap nilang tulong na para sa mga nabaha sa lunsod.
Aniya, makita lamang nila ang tuwa, galak at pasasalamat ng mga nabibigyan ng tulong ay nawawala na ang kanilang pagod.
Dahil dito, muli niyang pinasalamatan ang mga nakikipag-ugnayan sa kanila para maipaabot ang tulong sa mga nabaha.
Pangunahin na rito ang Bombo Radyo Philippines Foundation Inc. dahil maraming mamamayan ang naging benepisaryo ng 200 cavans ng bigas na bigay ng foundation.
Tiniyak naman nito na hanggat may nakikipagtie-up sa kanila ay hindi rin sila magsasawa na mamahagi sa mga nangangailangan.
Hiniling naman nito sa Panginoon ang pagbibigay sa kanila ng magandang kalusugan para maipagpapatuloy ang kanilang ginagawang pagtulong.
Si Fr. Aggabao ang nanguna sa pamamahagi ng tulong sa West Tabacal Region ngayong araw kasama ang Bombo Radyo News Team, mga volunteers at mga kabataan.