Tiniyak ng Department of Health (DOH) na ang Zero Balance Billing ay nananatiling sakop pa rin para sa mga pasyenteng naging biktima ng mga rally, at maging para na rin sa mga raliyista na aktwal na nakilahok sa mga nasabing pagtitipon.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay malinaw na nag-uutos na tiyakin ang maagap at dekalidad na serbisyong medikal para sa lahat ng Pilipino, at ang Zero Balance Billing ay isang mahalagang bahagi ng pagsasakatuparan nito.
Batay sa pinakahuling datos na nakuha mula sa DOH, umabot sa kabuuang bilang na 48 katao ang dinala at binigyan ng lunas sa DOH-Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC).
Ito ay matapos ang naganap na kaguluhan sa pagitan ng mga hindi pa nakikilalang elemento na nakisabay at nakisali sa isinagawang kilos-protesta, at ang mga miyembro ng Kapulisan kahapon sa lugar ng Recto, Maynila.
Sa mga naitalang impormasyon mula sa DOH-JRRMMC, dalawang pulis ang nagtamo ng mga minor injuries, kabilang na ang laceration o mga hiwa at pasa sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Agad naman silang nakalabas ng ospital matapos na bigyan ng kaukulang gamutan at pangangalaga. Samantala, isang lalaki na hindi pa nakikilala ang pagkakakilanlan ang kumpirmadong nasawi at idineklarang dead on arrival sa ospital dahil sa tinamo nitong saksak.
Bukod pa rito, mayroon ding anim na iba pang pasyente ang nagtamo ng iba’t ibang uri ng sugat. Kabilang dito ang hiwa sa paa, eye trauma o pinsala sa mata, head trauma o pinsala sa ulo, injury sa ugat ng kaliwang braso, gunshot wound o tama ng bala, at isang matinding sugat sa braso.
Dagdag pa rito, mayroon pang 39 na raliyista ang kasalukuyang sumasailalim sa physical examination o masusing pagsusuri sa kanilang pangangatawan.