-- Advertisements --

Natapos na ang pagsasanay ng nasa 318 na mga healthcare workers ng Quezon City Government para sa deployment and management ng COVID-19 vaccine.

Sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, na mismong mga kawani ng Department of Health ang nanguna sa pagsasanay ng kanilang mga healthcare workers.

Ang nasabing hakbang ay para matiyak na nakahanda na sila sakaling dumating na ang bakuna laban sa COVID-19.

Ayon naman kay Dra. Esperanza Arias, ang namumuno sa City Health Department (CHD) na isasailalim din nila sa pagsasanay ang mga healthcare professionals mula sa 48 private hospitals ng lungsod.

Bawat batch aniya ng mga doktors at nurses ay magsasanay ng dalawang araw kung saan pag-aaralan nila ang vaccine deployment plan ng lungsod.

Patuloy din ang kanilang panghihikayat sa mga indibidwal na interesado na maging volunteer vaccinators kung saan mahigpit na sasalain ito ng mga City Health Department.