-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nasa maayos na kalagayan ang 445 na Filipino crew ng Diamond Princess Cruise Ship habang isinasailalim sa quarantine sa Athlete’s Village, New Clark City, Capas, Tarlac.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo sa crew na nagpakilala lamang sa palayaw na Ryan, sinabi nito na simula noong Pebrero 25, nananatili lamang sila sa loob ng kanilang kwarto at naghihintay ng rasyon.

Ang bawat kwarto ayon kay Ryan ay kumpleto sa gamit kagaya ng television set, refrigerator at internet connection.

Umabot naman sa 13 ang dinala sa hospital matapos sumama ang pakiramdam ngunit kaagad naman silang nakabalik sa quarantine facility matapos nagnegatibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Araw-araw ayon kay Ryan, mahigpit na ipinapatupad ng Department of Health ang inspection upang matiyak na walang flu-like symptoms ang mga crew.

Ang quarantine period ayon kay Ryan ay matatapos sa Marso 10 at kaagad silang babalik sa trabaho pagkatapos ng 2 buwang mandatory rest.

May mga Filipino crew rin ayon kay Ryan na nananatili sa Japan at isinasailalim sa quarantine.

Bago pa man ang outbreak sa loob ng cruise ship, inihayag ni Ryan na isang babaeng Chinese mula Hong Kong ang sumakay sa barko at nakaranas ng flu-like symptoms.

Dahil mabilis ang pagkalat ng virus, kaagad na idineklara ng kapitan ng cruise ship na isailalim sa isolation ang mga COVID-19 positive.