Daang-daang Katolikong social media influencers mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang nagtungo sa Vatican para sa isang makasaysayang summit tungkol sa pananampalataya sa panahon ng digital age.
Isa sa kanila si Sister Albertine Debacker, 29-anyos na madre mula sa France, na may mahigit 300,000 followers sa Instagram at milyon-milyong views sa TikTok.
Kasama siya sa tinatawag ngayon ng Vatican na mga “digital missionary” —mga taong gumagamit ng social media upang ipalaganap ang pananampalataya.
Bilang bahagi ng “Jubilee of Youth,” pinangunahan ni Pope Leo XIV ang isang misa sa St. Peter’s Basilica para sa mga influencer. Hinimok niya ang mga ito na lumikha ng makabuluhang koneksyon sa halip na basta maglabas lang ng video.
Ayon kay Cardinal Luis Antonio Tagle, hindi lamang aniya influencers ang mga digital missionaries kung hindi mga dakilang influencer ng Diyos.
Kasama rin sa mga dumalo si Father Giuseppe Fusari, isang modern priest na may tattoo, at ang TikTok content creator na si Francesca Parisi, isang dating hindi relihiyoso na ngayon ay nagsusumikap ibalik ang mga kabataang nalalayo sa simbahan.