-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Humigit-kumulang P1.4 milyon ang naitalang initial structural damage sa pagkasunog ng kaisa-isang provincial health office (PHO) at damay din ang tanggapan ng Misamis Oriental Care System (MisOr Cares) sa capitol compound na nakabase sa Barangay 27, Cagayan de Oro City kagabi.

Nabatid na nasa 80 porsiyento ang natupok ng apoy sa nabanggit na tanggapan na una umanong nagsimula sa dirty kitchen ng provincial engineering motorpool at agad kumalat sa ibang gusali.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni City District Fire Marshall Supt. Allan Cabot na inaalam pa ng kanilang imbestigador kung ano ang dahilan ng sunog na unang nasilayan ng ilang saksi na nagmula sa likod ng motorpool.

Ayon kay Cabut, ligtas naman ang lahat ng mga trabahante at walang nasugatan nang sumiklab ang malaking apoy.

Samantala, kinumpirma ni Provincial Gov. “Bambi” Emano na naisalba nila ang nasa 30 vials sa natitirang Sinovac vaccines na nasa storage facility ng PHO.

Ito ay batay din sa iniulat ni PHO chief Dr. Jerie Calingasan kung saan nagpapasalamat sila na hindi pa nila nakuha ang panibagong alokasyon ng mga bakuna mula sa national government para sa medical frontliners sa probinsya na dumating sa siyudad kahapon ng umaga.

Dagdag ng gobernador na maging sila rin ng provincial government ay magsasagawa ng sariling imbestigasyon kaugnay sa pangyayari.

Nabatid na hindi masyadong maapektuhan ang medical services dahil maraming gamot pa naman ang walong district hospitals at pansamantalang ililipat sa ibang tanggapan ang mga trabahante mula sa nasunog na mga gusali.