Nagpaabot ng pagbati ang ilang kilalang personalidad sa Pilipinas kay Alex Eala matapos nitong makamit ang makasaysayang pagkapanalo sa 2026 Mubadala DC Open.
Sa Instagram, ibinahagi ni Eala ang larawan habang hawak ang una niyang WTA singles trophy kalakip ang caption na, “Me and my first.”
Kabilang sa mga nagbigay ng mensahe ang broadcaster na si Karen Davila na nagsabing, “Congratulations! Tears of joy! Hard-earned victory! Bravo, Alex!”
Nagpahayag din ng paghanga sina television host Bianca Gonzalez at Iya Villania, na kapwa nagsabing ipinagmamalaki nila ang tagumpay ng Filipina tennis star.
Samantala, sinabi naman ng aktres na si Iza Calzado na naniniwala siyang simula pa lamang ito ng mas marami pang tagumpay para kay Eala.
Naitala ni Eala ang kasaysayan matapos talunin ang world No. 3 na si Jessica Pegula ng Estados Unidos, 4-6, 6-4, 6-0, upang masungkit ang kanyang unang WTA singles title.
Sa kanyang panalo, naging kauna-unahang Pilipinong manlalaro ng tennis si Eala na nagkampeon sa isang WTA Tour event.
Sa kanyang post-match interview, ibinahagi ng 21-anyos na atleta na labis niyang naramdaman ang pagmamahal at suporta mula sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at mga tagahanga bago pa man ang finals.
Nagpasalamat din si Eala sa Filipino community sa Washington, D.C., at sa lahat ng Pilipinong sumuporta sa kanya saan mang panig ng mundo.
















