-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY- Maraming mga armas, bala at war materials ang nasamsam ng militar mula sa kampo ng rebeldeng New Peoples Army o NPA na kanilang nakobkob sa sitio Bilbilisan, Brgy. Banlag, Valencia City, Bukidnon.

Nilusob ng mga tropa ng 88th Infantry Battalion, Philippine Army ang kampo ng mga rebelde matapos sila makatanggap ng impormasyon mula sa dating miyembro ng militia ng bayan na nagbalik loob sa pamahalaan.

Ayon kay 88th IB commander Lieutenant Colonel Franklin Fabic, mahigit 60 na rebelde na kasapi ng Company Thunder sa Sub-Regional Command 2 ng NPA North Central Mindanao Regional Command ang nakasagupa ng mga sundalo kung saan umabot sa kalahating oras ang bakbakan.

Wala umanong nasaktan sa mga sundalo ngunit pinaniniwalaang may nasawi o nasugatan sa panig ng mga rebelde dahil sa nakitang mga patak ng dugo sa encounter site.

Kabilang sa narecover ng militar ang Ingram sub-machine gun, mga bala ng M203, improvised M14 pistol, anti-personnel mine, generator set, assorted medical supplies, backpacks, handheld radio, mga subersibong dokomento, cellphones at bandila ng NPA-CPP-NDF.

Sinabi naman ni Col. Fabic sa Bombo Radyo na hindi titigil ang kanilang operasyon laban sa makaliwang grupo ng nag-o-operate sa Bukidnon at karatig na mga lugar.