-- Advertisements --

Sinimulan na ng administrasyong Marcos ang pagbabago sa prayoridad ng paggastos ng gobyerno at pagbabawas ng mga Hindi kailangang gastusin, habang tinutugunan ang epekto ng patuloy na paghina ng piso laban sa dolyar.

Nagsara ang piso sa record low na P62.565 kada dolyar noong Setyembre 2, ikaapat na sunod na record low.

Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, nakikipagtulungan ang pangulo sa economic team para mabawasan ang epekto ng mataas na palitan sa presyo ng pagkain, langis, negosyo at logistics.

Kabilang sa mga hakbang ang uplift program para sa mga sektor na apektado ng pagtaas ng presyo, habang inililipat ang pondo sa mga programang may mas malaking pakinabang sa ekonomiya at publiko.

Sinabi rin ng economic team na kabilang sa mga dahilan ng paghina ng piso ang malakas na dolyar at pagtaas ng presyo ng langis sa mundo.

Patuloy namang nakahanda ang bangko sentral ng pilipinas na kumilos kung kinakailangan upang mabawasan ang labis na pagbabago sa halaga ng piso.

Ayon kay Castro, patuloy na nakaaapekto sa ekonomiya ang krisis sa Middle East, lalo’t umaasa ang pilipinas sa suplay ng krudo mula sa rehiyon.