-- Advertisements --

PVAO1

Hinikayat ng Department of National Defense (DND) at Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) ang lahat ng mga mamamayan partikular ang kabataan na makiisa sa paggunita ng Philippine veterans week.

Tema ng nasabing pagdiriwang ay “Kagitingan ng mga Beterano, Inspirasyon ng Nagkakaisang Pilipino” na gaganapin mula April 5 hanggang April 11, 2022.

Ayon sa PVAO, ito ay magandang pagkakataon para buhayin ang diwa ng nasyonalismo sa pamamagitan ng pagkilala sa kagitingan at sakripisyo ng mga Pilipinong beterano ng ikalawang digmaang pandaigdig.

Ang isang linggong selebrasyon ay sisimulan sa Abril 5 sa pamamagitan ng sunrise ceremony sa Libingan ng mga Bayani, Taguig City na susundan ng pag-aalay ng bulaklak sa tomb of the Unknown Soldier na tradisyunal na pinangungunahan ng commanding general ng Philippine Army.

Sa darating na April 7, magkakaroon ng “Tribute to all Filipino Heroes” sa Filipino Heroes Memorial Corregidor Island, Cavite.

Ang ika-80 taon ng Araw ng Kagitingan sa Abril 9 ay tampok na aktibidad ng Philippine Veterans Week na tradisyunal na pinangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mt. Samat National Shrine, Pilar, Bataan.

Sa Abril 10 isasagawa ang “Paggunita sa Capas” sa Capas National Shrine, Tarlac, para alalahanin ang mga beterano na nagdusa sa Death March at ikinulong sa Camp O’ Donnel Concentration Camp.

Ang “Sunset ceremony” sa Abril 11 sa Libingan ng mga Bayani, ang opisyal na pagtatapos ng Philippine Veterans Week.