CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang isa na namang menor de edad na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Mount Balatukan, Gingoog City, Misamis Oriental.
Kinilala ni 58th IB, Philippine Army civil military officer 1Lt Jefferson Mariano ang biktima na si Efriel Taquin alyas Rogie, 17, at miyembro ng Platoon PPH ng Sub-Regional Command 1 ng North Central Mindanao Command ng NPA at residente sa bayan ng Balingasag sa lalawigan.
Inihayag ni Mariano na nakasagupa nila ang mga rebelde habang naglunsad ng hot pursuit operation laban sa unang grupo ng NPA na naka-engkuwentro ng 58th IB noong nakaraang linggo.
Tumagal ng halos 20 minuto ang pagpalita ng mga putok na dahilan para ikasawi ng menor de edad na rebelde.
Narekober mula sa encounter site ang caliber .45 pistol, bomba, kagamitan sa paggawa ng improvised explosive devices at personal na kagamitan.
Natukoy na nasa 15-anyos pa lamang na-recruit si Taquin na pumasok sa kilusan upang labanan ang gobyerno.
Magugunita na sa nagdaang Nobyembre 2019, napatay din sa engkuwentro ang isa pang menor de edad na rebelde sa Caraga region at natuklasan na nagmula ito sa Gingoog City, Misamis Oriental.