-- Advertisements --

Patay na ng matagpuan ang isang menor de edad habang nagpapalutang-lutang sa may ilog ng Magarao, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na isang 14-anyos na batang babae na residente ng Minalabac sa nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na isang Joshua Aypa ang nakakita sa katawan ng biktima na wala nang buhay kung saan agad naman nitong inireport sa punong barangay na si Milagrosa Asis.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na ayon mismo sa 11-anyos na kapatid ng biktima, naglalaro umano ang 14-anyos na kapatid habang nagswi-swimming kasama ang mga barkada nito malapit sa Bicol River ngunit nadala umano ito ng malakas na alon ng tubig.

Una rito, nabatid na may isang pamilya ang nagpost sa social media hinggil sa nawawalang bata kung saan agad naman na nakumpirma na ang biktima ang kanilang nawawalang anak.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.