Maaaring bumaba sa 13 ang bilang ng boto na kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte kung 20 senador lamang ang legal na makagaganap at makalalahok bilang senator-judges sa oras na maglabas ng hatol ang Impeachment Court.
Ito ang interpretasyong inilatag ng abogado at professor of Law na si Howard Calleja, batay sa probisyon ng Konstitusyon na nangangailangan ng concurrence of two-thirds of all members of the Senate para sa conviction.
Ayon kay Calleja, hindi nakapirmi sa 16 o 24 ang bilang na gagamiting basehan sa pagkuwenta ng two-thirds. Sa halip, maaari aniyang magbago ang denominator depende sa bilang ng mga senador na legal o aktuwal na makagaganap ng kanilang
tungkulin bilang senator-judge.
Kung 21 senator-judges lamang ang makagaganap, sinabi niyang kailangang tukuyin kung 13 o 14 ang katumbas ng two-thirds. Kung 20 naman ang makalalahok, tinaya niyang 13 boto ang kailangan para sa conviction.
Giit ni Calleja, “moving number” ang voting threshold dahil hindi naman tahasang itinakda ng Konstitusyon ang numerong 16 o 24.
Sa kasalukuyan, nananatili sa 16 boto ang conviction threshold batay sa naunang ruling ng presiding officer ng Impeachment Court, na siyang posisyon din ng House prosecution.
Inimbitahan naman ng Impeachment Court ang mga dating mahistrado ng Supreme Court upang magbigay ng opinyon sa interpretasyon ng constitutional requirement bago talakayin ng mga senator-judge ang disputed voting threshold.
Ang Impeachment Court ang magpapasya kung pananatilihin ang 16-vote threshold o gagamit ng ibang interpretasyon bago umabot sa pinal na botohan ang kaso laban sa bise presidente.
















