Malaki pa rin umano ang bilang ng mga estudyanteng gustong mag-enroll para sa nalalapit na pagbubukas ng school year sa Agosto sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones, base sa kanilang initial reports, nais pa rin ng mga mag-aaral na pumasok kahit ipatupad ang pinaghalong face-to-face learning at online classes.
Batay sa early registration, umabot sa 1.4-milyong estudyante ang gustong pumasok sa paaralan.
Paglalahad pa ng kalihim, mayroon ding ilang mga rehiyon sa bansa ang naabot ang 75% ng kanilang target na bilang ng mga enrollees.
Aniya, magsisilbi raw itong inspirasyon sa mga kawani ng DepEd upang masigurong handa ang mga paaralan at mga guro para sa “new normal.”
Kaugnay nito, inihayag ni Education Usec. Nepomuceno Malaluan na hindi raw dapat limitahan ng mga eskwelahan ang bilang ng mga tinatanggap nilang mga mag-eenroll.
Sa pinakahuling datos, tinatayang nasa 800,000 ang mga empleyado ng kagawaran, maliban pa sa mga guro at 27-milyong estudyante sa basic at secondary education.