Naglabas ng pahayag ang grupong Mayors for Good Governance kaugnay ng kontrobersyal na pagliban ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado sa loob ng pitong buwan bago lamang muling nagpakita noong Mayo 14, 2026 upang bumoto sa pagpapalit ng liderato.
Ayon sa grupo, habang tumatanggap ng halos P300,000 kada buwan si dela Rosa, tinatayang umabot na sa P2.1 milyon ang kanyang natanggap na sahod sa kabila ng kawalan ng pagdalo.
Binanggit ng mga mayor na sa mga ordinaryong manggagawa, umiiral ang prinsipyo ng “no work, no pay”, at ang ganitong uri ng pagliban ay tiyak na hahantong sa suspension o pagkakatanggal sa trabaho.
Para sa kanila, malaking insulto sa taumbayan ang patuloy na pagtanggap ng sahod ng isang halal na opisyal na hindi tumutupad sa kanyang tungkulin, lalo na’t araw-araw na humaharap ang mga Pilipino sa kahirapan, mataas na presyo ng bilihin, at krisis sa kabuhayan.
Nanawagan ang grupo sa mga senador na huwag gawing kanlungan ng absenteeism ang Senado at huwag protektahan ang mga opisyal na umiiwas sa responsibilidad.
Giit nila, ang mga mambabatas mismo ang dapat manguna sa pagsunod sa batas at panindigan ang diwa ng pananagutan, integridad, at kapakanan ng sambayanang Pilipino.
















