-- Advertisements --

Niyanig muli ng magnitude 5.5 na lindol ang karagatang sakop ng Bayabas pasado hatinggabi ngayong araw ng Lunes, ilang oras matapos maitala ang magnitude 5.0 na pagyanig sa parehong lugar.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, naganap ang lindol alas-12:48 ng madaling araw ng Mayo 24.

Naitala ang epicenter nito sa coordinates na 09.16°N, 126.39°E o humigit-kumulang 24 kilometro hilagang-silangan ng Bayabas, Surigao del Sur.

Sinabi ng PHIVOLCS na tectonic ang pinagmulan ng lindol at may lalim na 20 kilometro.

Naramdaman ang Intensity IV sa Bayabas, Tandag City, at Claver.

Intensity III naman ang naitala sa Cagwait, Lingig, at Hinundayan.

Samantala, Intensity II ang naramdaman sa Bislig City, Nabunturan, Montevista, Monkayo, Baybay City, Abuyog, Hilongos, San Francisco, Sogod, at Gingoog City.

Intensity I naman ang naitala sa San Fernando at Dulag.

Matatandaang bago nito ay nakapagtala rin ng magnitude 5.0 na lindol sa parehong lugar bandang alas-9:19 ng gabi nitong Linggo.

Ayon sa PHIVOLCS, wala namang inaasahang malaking pinsala mula sa mga lindol ngunit nagbabala ito sa posibilidad ng mga aftershock.