-- Advertisements --

Nagpaabot ng pasasalamat si Sen. Pia Cayetano sa kaniyang mga kapwa senador matapos ang naging emosyonal niyang pahayag sa plenary session ng Senado noong Mayo 20.

Sa isang Facebook Live nitong Mayo 22, sinabi ni Cayetano na na-appreciate niya ang paglapit at pag-alala sa kaniya ng ilang senador matapos ang kaniyang madamdaming talumpati.

Ayon sa kanya, normal lamang ang mainit na diskusyon sa loob ng Senado dahil magkakakilala at magkakaibigan din sila bilang magkakabaro.

Aniya, nagpakita ng malasakit sa kanya ang ilang senador matapos ang kanyang speech at pinasalamatan niya ang mga ito sa kanilang pag-aalala.

Ang emosyonal na talumpati ni Cayetano ay kaugnay ng naunang privilege speech ni Sen. Risa Hontiveros na nanawagan na huwag balewalain ang nangyaring insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13.

Isa sa mga naging punto ng pahayag ni Cayetano ang pagkadismaya umano sa hindi agad na pag-check ng ilang kasamahan sa mga miyembro ng majority bloc na nasa lugar noong insidente.

Samantala, kumalat din ang screenshot mula sa group chat ng mga senador kung saan makikitang may ilang miyembro ng minority bloc na nagpaalala sa mga kasamahan na mag-ingat.