Tiniyak ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ang agarang tulong ng pamahalaan para sa libu-libong pamilyang naapektuhan ng malaking sunog sa Parola Compound.
Personal na nagtungo si Gatchalian sa Delpan evacuation center upang pangunahan ang pamamahagi ng ready-to-eat food boxes para sa mga evacuees.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Secretary at spokesperson Irene Dumlao, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad matulungan ang mga naapektuhan ng sakuna.
Bukod sa pagkain, inatasan din ni Gatchalian ang DSWD Field Office-NCR na tiyaking maipapadala agad ang iba pang pangunahing pangangailangan ng mga pamilyang lumikas.
Kabilang sa ipinadala sa evacuation center ang 2,000 kitchen kits at 2,000 sleeping kits upang matiyak na may magagamit at matutulugan ang mga apektadong residente habang nananatili sa evacuation center.
Ayon sa DSWD, nakahanda rin silang magbigay ng karagdagang food at non-food assistance depende sa pangangailangan ng mga evacuees, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Maynila.
Matatandaang sumiklab ang malaking sunog sa Parola Compound noong Sabado ng hapon na nagresulta sa mahigit 2,500 pamilya ang inilikas.
Sa pinakahuling tala, nasa 2,134 pamilya o higit 7,000 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa Delpan evacuation center.
















