Naglabas ng panibagong pahayag si Katrina Ponce Enrile, anak ng yumaong dating Senate President at Special Adviser to the President na si Juan Ponce Enrile, upang linawin ang kanyang naging komento kaugnay ng pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano tungkol sa relasyon nito sa kanyang ama.
Nauna nang sinabi ni Cayetano na tinatawag niyang “uncle” si Enrile, na aniya ay sumasalamin sa umano’y malapit na ugnayan nila.
Sa isang Facebook post noong Mayo 14, ilang araw matapos maluklok si Cayetano bilang lider ng Senado at matapos pumanaw si Enrile noong Nobyembre 2025, binigyang-diin ni Katrina na kinikilala ng kanilang pamilya ang matagal nang pagkakakilala ng dalawang pamilya ngunit nilinaw niyang hindi lamang sa salita nasusukat ang tunay na relasyon.
“Genuine relationships are not measured solely by words spoken publicly after a person has passed,” bahagi ng kanyang pahayag, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng presensya at sinseridad sa mga sandali ng pagdadalamhati.
Ipinunto rin niya na sa mga necrological services sa Senado at sa mga araw ng pagluluksa, napansin ng kanilang pamilya kung sino ang naging present at kung sino ang hindi.
Ayon kay Katrina, ang mga huling pahayag tungkol sa pagiging malapit kay Enrile ay nagdulot ng kalungkutan at pagkadismaya sa kanilang pamilya, at iginiit niyang dapat laging may katapatan at respeto sa pagbanggit sa alaala ng kanyang ama.
Kasabay nito, naglabas din siya ng mahabang post nitong Mayo 25 kung saan tinukoy niya ang lumalaganap na paglalagay ng political labels sa mga indibidwal sa social media.
Ayon sa kanya, nakakapagod na ang kultura kung saan mabilis na ikinakabit ang mga tao sa mga political camp tulad ng “DDS,” “anti-DDS,” “pro-Marcos,” o “anti-Marcos,” sa halip na kilalanin bilang mga indibidwal na may sariling karanasan at pananaw.
Giit niya, ang kanyang mga pahayag ay mula sa personal na karanasan bilang anak at hindi layuning umatake o pumanig sa anumang political group.
“Minsan, nagsasalita lang siya dahil may katotohanan siyang pinanggagalingan,” aniya, sabay diin na hindi lahat ng pahayag ay dapat agad binibigyang kulay pulitikal.
Nilinaw rin ni Katrina na hindi siya ang unang nagbanggit tungkol sa isyu, kaya’t pinili rin niyang ibahagi ang kanyang saloobin bilang bahagi ng kanyang personal na alaala sa kanyang ama.
















