-- Advertisements --
Magalong
Ex-PNP general and now Baguio City Mayor Benjamin Magalong

BAGUIO CITY – Humingi na ng tawad kay Mayor Benjamin Magalong at sa buong Baguio City si San Juan, Metro Manila Mayor Francis Zamora.

Ito’y matapos maging usap-usapan ang paglabag ng kanyang convoy sa border control checkpoint sa Kennon Road nang magtungo sila sa Baguio City noong Biyernes kung saan agad silang dumiretso ng Baguio Country Club na hindi dumaan sa mandatory triage health examination.

Sa social media post ni Zamora, sinabi niyang ang asawa niya ay stage 3 breast cancer patient at nagdesisyon silang pumunta ng Baguio kasunod ng payo ng doktor nito na kailangan niya ng pahinga.

Aniya, wala siyang intensyon na hindi sumunod sa health and security protocols ng Baguio City.

Sa inilabas na public statement ni Mayor Magalong ukol sa insidente, napag-alamang Biyernes ng hapon nang dumating sa Kennon Road quarantine checkpoint ang convoy ni Mayor Zamora na binubuo ng anim na sasakyan kung saan lulan ang ilang uniformed personnel.

Pinahinto sila para sa inspeksyon ngunit pinabagal lamang ng San Juan City-based police officer na lead escort ng convoy ang sasakyan at sinabi sa checkpoint personnel na bahagi ito ng convoy bago itinuro ang mga sasakyang sumusunod sa kanyang police car bago binilisan ang pagpapatakbo kasama ang convoy.

Kaagad ipinaalam ng checkpoint personnel sa traffic operations center ng Baguio Police ang insidente bago niya sinundan ang convoy ni Mayor Zamora patungo ng Baguio Country Club.

Dahil walang maipakita ang convoy na medical health clearance nang makarating sila sa kanilang destinasyon, agad silang nasabihan na sumailalim sa triage examination kung saan sa triage facility na itinayo sa BCC.

Giit ni Mayor Magalong sa kanyang statement, nalabag ang health and safety protocols ng Baguio at hindi nasunod ang regulatory mechanism ng quarantine check at triage examination sa checkpoint area.

Personal aniyang sinabi sa kanya ni Zamora ang insidente at nagpaliwanag na tulog ito nang mangyari ang insidente.

Dinagdag ni Mayor Magalong na naisampa na ang mga kaukulang reklamo sa opisina nina Deputy Chief for Administration Police General Camilo Cascolan, San Juan City Police City Director Jimmy Santos at Baguio City Police Office city director Col. Allen Rae Co.

Nabatid na ang mga pinapayagan lamang na pumasok ng Baguio ay mga returning Baguio residents and workers na dadaan pa sa mandatory triage health examination at quarantine.

Iginiit pa ni Mayor Magalong na lahat ng pinapayagang pumasok sa border control checkpoints ng Baguio ay dadaan sa kaukulang proseso at walang sinuman, anuman ang ranggo at posisyon ang exempted sa established at long-held health and safety protocols sa pagpasok ng Baguio City.