Ipinagutos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Manila Police District (MPD) ang mahigpit na pagpapatupad ng curfew para sa mga menor de edad matapos ang marahas na kilos protesta ngayong araw ng Linggo, Setyembre 21.
Ayon sa Manila Public Information Office (PIO), muling iginiit ni Domagoso ang bisa ng Executive Order No. 2, Series of 2025, na nagbabawal sa mga menor de edad na edad 17 pababa na lumabas sa pagitan ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga.
Layunin ng kautusan na mapanatili ang kapayapaan at masigurong ligtas ang mga kabataan, lalo na tuwing may malalaking pagtitipon o kilos-protesta.
Ang utos ay kasunod ng karahasang kinasangkutan ng mga kabataang nanaka-maskara at may suot na balaclava sa Ayala Bridge at Mendiola, kung saan ilang pulis at isang mamamahayag ang nasaktan matapos silang batuhin ng mga raliyista.
Sinilaban din ng mga ito ang isang container van na ginawang harang ng pulisya.
Sa kabuuan, 17 katao na ang inaresto ng pulisya, kabilang na ang isang 11-taong gulang na batang lalaki.
Kaugnay nito sa Mendiola, gumamit din ang pulisya ng water cannon at long-range acoustic device para pakalmahin ang mga marahas na demonstrasyon na naghahagis ng bato, basag na bote at paputok.