ILOILO CITY – Tiniyak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na may sapat na suplay ng isda sa Western Visayas.
Ito ay kasunod ng anunsyo ng Department of Agriculture na may isasagawang importation ng isda dahil sa kakulangan sa local supply sa unang quarter ng 2022.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Engineer Remia Aparri, director ng BFAR Region 6, sinabi nito na sa data ng Philippine Statistics Authority, nasa 114% ang fish sufficiency sa Western Visayas at makaka-sustain pa hanggang sa Marso.
Ayon kay Aparri, hindi apektado ng shortage ang Western Visayas sa kabila ng tinatawag na closed season na ipinapatupad sa Visayan Sea.
Nagsimula ang closed season Nobyembre 15 noong nakaraang taon at magtatagal hanggang Pebrero 15, 2022 dahil sa breeding season.
Ang apektado lang aniya ng local shortage ay ang National Capital Region at Metro Manila.
Ayon pa sa BFAR-6 director, may kapasidad pa ang Western Viasyas na maka-augment ng suplay sa ibang mga rehiyon na kinukulang sa local supply.