Bumisita si Vice President Sara Duterte sa kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC Detention Center sa The Hague, Netherlands, nitong Lunes.
Ayon sa pangalawang pangulo, tinalakay nila ang tungkol sa kalusugan ng dating pangulo, pamilya, at pulitika ngunit hindi nila pinag-usapan ang pagbasura ng ICC sa interim release nito.
Matatandaan noong Biyernes, tinanggihan ng Appeals Chamber ng ICC ang apela ni dating pangulong Duterte para sa conditional release, na una nang ibinasura ng Pre-Trial Chamber noong Setyembre.
Ipinabatid din ni VP Sara ang pasasalamat ng dating pangulo sa mga Pilipinong sumusuporta at nagtitipon sa labas ng ICC sa kabila ng malamig na panahon.
Samantala, ipinagpapatuloy ng ICC Office of the Prosecutor ang paghahanda para sa confirmation of charges hearing laban kay Duterte, na iniurong nang walang petsa matapos igiit ng kanyang kampo na hindi siya fit to stand trial.
Sa ngayon ay nananatili parin sa Scheveningen Prison si Duterte sa loob ng halos siyam na buwan.
Magugunitang inaresto ng ICC ang dating pangulo nitong Marso, 2025 kaugnay sa umano’y crimes against humanity na konektado sa kanyang ”war on drugs” at umano’y Davao Death Squad.
Kung saan kinikilala ng pamahalaan ang mahigit 6,000 nasawi sa war on drugs, habang tinatayang umaabot daw sa 30,000 ang bilang nito ayon sa human rights groups.
















