-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Senador Robinhood Padilla ang patuloy na mass killings sa Gaza at nanawagan sa pamahalaan ng Israel na igalang at protektahan ang mga humanitarian personnel, pati na rin ang pagpapapasok ng tulong para sa mga sibilyang Palestinian.

Sa kanyang privilege speech sa plenaryo ng Senado, iginiit ni Padilla na dapat iparating sa Israel sa pamamagitan ng diplomasya ang hangarin ng Pilipinas na magsagawa ng humanitarian mission para sa mga biktima ng krisis sa Gaza.

Batay sa datos ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA), World Health Organization (WHO), at ng pamahalaang Palestinian noong January 15, 2025, malawak na pinsala ang naidulot ng mga operasyong militar ng Israel sa Gaza kung saan halos lahat ng mga tirahan ay nawasak o nasira, 80 percent ng mga pasilidad pang-komersyo ang naapektuhan, at 88 percent ng mga gusaling pampaaralan ang nadamay.

Dagdag pa rito, 50 percent lamang ng mga ospital ang bahagyang gumagana, habang 68 percent ng mga kalsada at lupang pansakahan ay lubhang naapektuhan.

Bilang tugon, naghain si Padilla ng resolusyon na nananawagan sa Israel na sundin ang mga obligasyon nito sa ilalim ng international humanitarian law. 

Mariin ding kinondena ng senador ang umano’y patuloy na di-makataong pagtrato, at pamamaslang sa mga inosenteng sibilyan sa mga okupadong teritoryo.