Positibo si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na magreresulta sa pagpasok ng mas maraming pamumuhunan, trabaho at kabuhayan para sa mga Pilipino ang 6th Indo-Pacific Business Forum (IPBF) na gaganapin sa Maynila ngayong taon.
Sa talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos sa Philippine-US Business Forum Biyernes ng gabi (US Time) sa Washington D.C., inimibitahan din ng Pangulo ang mga pangunahing negosyante sa Amerika na lumahok sa isasagawang business forum sa Mayo 21, 2024.
Ang PH-US Business Forum ay isa sa mga sideline ng makasaysayang pagpupulong sa pagitan nina US President Joe Biden, Japanese Prime Minister Fumio Kishida, at ni Pangulong Marcos, Jr.
Una na ring inihayag ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel “Babe” Romualdez na tinatayang nasa $100 bilyon ang pamumuhunan ang papasok sa bansa sa loob ng lima hanggang 10 taon, na bunga ng makasaysayang trilateral summit.
Ang gaganaping 6th Indo-Pacific Business Forum sa Maynila ay inaasahang dadaluhan ng may 500 business leaders, project developers, opisyal ng gobyerno , at financing sources upang talakayin ang infrastructure, supply chain resilience, critical minerals, clean energy, digital economy, mga bagong teknolohiya at inclusive trade.
Magiging katuwang naman ng pamahalaan ng Pilipinas sa 6th IPBF sa Maynila ang U.S. Trade and Development Agency (USTDA) kasama ang U.S. Department of State.
Sinabi naman ni Romualdez na ang nalalapit na pagtitipon ng IPBF sa Maynila ay magpapalakas sa Pilipinas bilang business at investment hub sa Indo-Pacific Region.
Ayon pa sa pinuno ng Kamara na ang pagtitipon ay hindi lamang pagpapakita sa potensyal ng Pilipinas sa pamumuhunan kundi pagpapalakas din ng ugnayan sa pagitan ng international partners at pagpapalitan ng best practices sa iba’t ibang sektor.
Ang IPBF ay ang nangungunang public-private U.S. government event na nagtataguyod ng kalakalan, pamumuhunan at economic cooperation sa pagtigan ng United States at mga kasosyo sa buong Indo-Pacific region.