Aminado ang Philippine National Police (PNP) na inaasahan nila ang mas mainit na political rivalry sa pagsisimula ng kampanya para sa mga lokal na kandidato sa darating na March 25.
Dahil dito, pinaalalahanan ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos ang mga kandidato at kanilang mga supporter na istriktong obserbahan ang mga protocol sa pagsasagawa ng mga political assemblies at kahalintulad na aktibidad.
Ayon kay Carlos, sa kabila ng pag-alis ng Commission on Elections (COMELEC) ng requirement para sa political rally permit sa ilalim ng alert level 1 at 2, sinabi ni Carlos na hindi ito dahilan para magpakampante.
Hinimok ng PNP chief ang mga lalahok sa mga rally na laging maging disiplinado at magsagawa ng kaukulang pag-iingat.
Iwasan aniya ang pagdadala ng malaking halaga ng pera, alahas, at mga bata sa mga rally.
Payo rin nito sa mga campaign organizer na makipag-ugnayan sa PNP para sa seguridad at crowd control.
Una na ring tiniyak ng PNP chief na patas na proteksyon ang ibibigay nila sa mga incumbent na kandidato at maging sa kanilang mga kalaban sa politika.
Samantala, pinaalalahanan din ni PNP chief ang mga tatakbo sa iba’t ibang lokal na posisyon na i-coordinate ng maaga sa PNP ang kani-kanilang mga campaign sorties.
Kaugnay naman ng personal na seguridad ng mga kandidatong may beripikadong banta sa kanilang buhay, sinabi ni Carlos na bukas na idedeploy ng PNP ang kanilang security detail kung aprubado ng COMELEC ang kanilang request para rito.