Pinaigting pa ng Area Task Force West (ATF-West) ng National Task Force for West Philippine Sea (NTF-WPS) ang pagpapatrolya sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Ayon kay Vice Admiral Ramil Roberto Enriquez, chairman ng ATF-West, tuloy-tuloy ang operasyon ng maritime at sovereignty patrols ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa bahagi ng Julian Felipe Reef, Pag-asa Cay, Recto Bank, at iba pang bahagi ng Kalayaan Island Group (KIG).
Apat na barko ng Philippine Navy, ang BRP Dagupan City (LS 551), BRP Apolinario Mabini (PS 36), BRP Magat Salamat (PS 20), at BRP Miguel Malvar (PS 19), ang ipinadala aniya ng AFP Western Command.
Sinusuportahan ng mga ito ang BRP Cabra (MRRV 4409) ng Philippine Coast Guard, at dalawa pang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ayon naman kay AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana, may natitira pang 28 barko ng China sa iba’t ibang bahagi ng EEZ ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Kinontra naman ni Sobejana ang mga bumabatikos sa Philippine Navy na hindi ginagawa ang kanilang trabaho.
“Nagpapatrulya, unfair naman yun sa ating mga sundalo, they are risking their lives so the public should understand kung ilan lamang ang barko natin may dalawang frigate na dumating pero hindi pa tapos ang acceptance test kaya hindi pa madeploy for operations but binibilisan namin para sa ganon madagdagan yung ating naval assets sa West Phl Sea,” pahayag pa ni Sobejana.