-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Labis ang paghihinagpis ng pamilya ng isa sa mga itinuturing na survivor ng Marawi siege noong 2017 matapos itong binawian ng buhay.

Batay sa Facebook post ni Boyet Suganob, pumanaw dahil umano sa atake sa puso ang kaniyang kapatid na si Fr. Teresito “Chito” Suganob.

Bagama’t hindi pa nagpapalabas ng anumang detalye ang pamilya sa nangyari, ngunit sa ngayon ay humihingi pa sila ng privacy hinggil sa pagpanaw ni
Fr. Chito.

Nagsilbi ito bilang pari sa Prelature of Marawi, at naging Vicar General of Marawi bilang kanang-kamay ni Marawi Bishop Edwin dela Peña.

Nang sumiklab ang pag-atake ng ISIL-linked Maute at Abu Sayyaf group sa naturang lungsod noong Mayo 23, 2017, kabilang si Fr. Chito sa 23 binihag ng Maute at ipinapanawagan ang pag-atras ng mga sundalo sa siyudad, batay sa naging demanda ng mga terorista.

Matapos itong nailigtas, pansamantala itong nagpahinga at bumalik sa kaniyang serbisyo bilang pari hanggang sa huling sandali.