-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Maraming lugar na ngayon ang nagkakaroon ng kaguluhan pagkatapos ng halalan sa ilang estado ng Estados Unidos.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Marissa Pascual, Executive Director ng Medicare Health Plans sa Oregon at Washington na maraming grupo ngayon ang nagsasagawa ng rally at nagsusunog ng mga flag sa Portland.

Nagpadala aniya si Pangulong Donald Trump ng mga kokontrol sa rally subalit pinaalis ng mga opisyal ng naturang estado na kabilang sa democratic party.

Gayunman ay inasahan na nila na mangyayari ang ganitong kaguluhan dahil ayaw ng democratic party na manalo ulit si Trump.

Kapag kasi aniya manalo ulit ang incumbent president ay siguradong mas marami pa ang mailalabas na hindi magandang ginawa ng naturang partido.

Ayon kay Pascual, nalulungkot sila na sumusuporta kay Trump dahil sa takbo ngayon ng bilangan subalit umaasa pa rin sila na manaig pa rin ang tama.

Kaugnay nito ay pumirma na siya ng petition para sa recounting ng mga balota sa Arizona dahil marami pa ang hindi nabibilang.

Kung mabilang aniya lahat ang mga ito ay malaki ang posibilidad na si Trump ang mananalo.

Dagdag niya na maraming ebidensya na may nangyayaring anomalya sa bilangan ng balota.