Idineklara nang fire out ng Bureau of Fire Protection kaninang umaga ang Manila Central Post Office na kamakailan lang ay tinupok ng malaking apoy.
Ito ay matapos ang mahigit 30 oras na pagsusumikap ng mga bumbero na apulahin ang malaking apoy na sumiklab sa nasabing gusali.
Sa ulat ng BFP, bandang alas-6:33 kaninang umaga idineklarang fire out ang nasabing gusali, habang aabot naman sa 15 indibidwal na karamihan ay mga bumbero ang napaulat na nasaktan nang dahil sa sunog na nagsimula pa noong Linggo ng gabi.
Karamihan sa mga injuries na natamo ng mga ito ay lacerations hanggang first-degree burns, habang ang ibang casualties naman ay nakaramdam ng pagkahilo, at paninikip ng dibdib.
Hindi rin bababa sa dalawang istruktura sa loob ng gusali ang nasunog habang aabot naman sa Php 300 million ang tinatayang halaga ng pinsala nito.
Paliwanag ni Manila Fire District chief of Intelligence and Investigation Division Senior Inspector Alejandro Ramos, bahagyang natagalan ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy dahil kinailangan daw nilang tiyakin na hindi na muling magliliyab ang apoy sa nasabing gusali.
Bukod dito ay naging hamon din aniya para sa mga bumbero ang matinding init at kawalan ng bentilasyon sa basement ng naturang establisyimento.
Samantala, sa ngayon ay patuloy pa rin iniimbestigahan ng mga otoridad ang posibleng naging sanhi ng naturang insidente.
Kung maaalala, pinaniniwalaang nagsimula ang apoy sa basement ng gusali at agad na umabot sa pinakamataas na palapag.
Umabot ito sa unang alarma alas-11:41 ng gabi noong Linggo at itinaas naman sa general alarm o ang highest fire alarm bandang alas-5:54 a.m. ng Lunes.