-- Advertisements --

Inihayag ni Press Officer Usec. Claire Castro na bago tumugon ang Malacañang sa mga pahayag ni Zaldy Co, mas mainam umanong tapusin muna nito ang sunod-sunod niyang video statements. 

Ayon kay Castro, kapansin-pansin na kasi ang mga “inconsistencies” sa mga Video 1 hanggang 5, kabilang ang pabago-bagong hairstyle at itsura ni Co na nagpapakitang ginawa ang mga ito sa magkaibang araw at maaaring nakaayon sa reaksyon ng publiko.

Tinukoy ni Castro na sa unang dalawang video, hindi binanggit ni Co ang umano’y transaksiyon noong 2022, at sinimulan lamang niya ang kuwento sa taong 2024. Aniya, nang mapuna ang mga hindi pagkakatugma, biglang nagbago ang salaysay sa mga sumunod na video.

Dagdag pa ni Castro, dahil sa pagbabago-bago ng itsura at mensahe ni Co, hindi maiiwasang magduda kung siya nga ba ang nasa mga video. 

Gayunman, tiniyak niyang sasagutin ng Palasyo ang mga paratang matapos mailabas ni Co ang kaniyang kumpletong akusasyon.