Hindi nababahala ang Malacañang sa ulat ng US State Department na nananatiling malaking hadlang sa pamumuhunan sa Pilipinas ang korapsyon.
Ayon kay Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Sec.Frederick Go, hindi dapat palalain ang negatibong pananaw dahil mismong si Pangulong Marcos Jr. ang nanguna sa mabilis at seryosong aksyon laban sa katiwalian kabilang na ang pagbuo ng independent commission at agarang pagtatalaga ng isang kagalang-galang na Ombudsman.
Sinabi ni Go na ito ay patunay ng determinasyon ng administrasyon na ayusin ang sistema, na sa kalaunan ay makikinabang ang ekonomiya at taumbayan.
Aniya ang mas maayos na paggasta ng badyet ay magdudulot ng mas makabuluhang proyekto at mas maraming trabaho.
Dagdag pa niya, matagal nang hinaing ng mga dayuhang negosyante ang korapsyon at red tape, kaya’t isinama ito ng administrasyon sa mga pangunahing agenda.
Kabilang sa mga hakbang ang CREATE MORE Act, PPP Code, at green lane para sa mga strategic investments.
Binanggit din ni Go na ang laban sa katiwalian at red tape ay hindi lamang usapin ng pamamahala kundi bahagi ng estratehiya para sa matatag at pangmatagalang pag-unlad.