-- Advertisements --

Tiniyak ng Malacañang na hindi pipigilan ng pamahalaan ang mga kilos-protesta basta’t ito ay isinasagawa sa legal na paraan.

Ito’y sa gitna ng nakaambang serye ng protesta ng iba’t ibang grupo kaugnay sa kontrobersya sa flood control projects, farm to market roads  at iba pang isyu ng katiwalian.

Ayon kay Presidential Communications Office USec. Claire Castro, nananatiling abala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtugon sa mga nasalanta ng mga kamakailang kalamidad gaya ng lindol at pagbaha.

Nakatakda kasing magsagawa ng kilos protesta ang grupo ng Kabataan sa Mendiola sa Oktubre 17, habang ang mga grupong magsasaka ay magsasagawa rin ng kilos protesta sa Liwasang Bonifacio sa Oktubre 21.

Sinabi ni Castro walang pumipigil sa mga ito na magsagawa ng rally subalit dapat hindi ang mga ito makisali sa gulo.

Nang tanungin tungkol sa kontrobersyal na pahayag ni Rep. Kiko Barzaga na tila nananawagan umano ng pag-aaklas, sinabi ni Usec. Castro na dapat ay papanagutin ang sinumang lalabag sa batas.

Dagdag pa ni Usec. Castro, hindi pinapansin ng Pangulo ang anumang pamumulitika, at sa halip ay nakatuon ito sa trabaho at pagtulong sa mga mamamayan.