-- Advertisements --

Ipinahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez ang kanyang suporta sa naging pahayag ni Senador Sherwin Gatchalian kaugnay sa kontrobersyal na proyektong imprastruktura ng nakaraang administrasyon.

Ayon kay Gomez, lubos siyang sumasang-ayon sa opinyon ni Senator Sherwin Gatchalian na hindi sana nakisangkot ang nakaraang administrasyon sa isang proyektong pampubliko na hindi naman saklaw ng kanilang pangunahing tungkulin.

Kaugnay nito, kinumpirma ni Gomez na nasa pinal na yugto na ang proseso ng pag-dodonate ng nasabing gusali sa Northern Bukidnon State College (NBSC). 

Aniya, malaking tulong ito para sa mga mag-aaral sa rehiyon.

Dagdag pa ni Gomez maraming mga mag-aaral state college sa Bukidnon ang makikinabang dito.

Inaasahang magagamit ang naturang gusali para sa mga bagong silid-aralan, pasilidad, at iba pang pang-akademikong gamit na tutugon sa lumalaking pangangailangan ng mga estudyante sa NBSC.

Ang pahayag ni Gomez ay tugon matapos binatikos ni Sen. Gatchalian ang PCO dahil sa pag kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa isang proyektong pang imprastraktura na hindi naman sakop ng pangunahing mandato ng PCO.

Batay sa 2024 Commission on Audit (COA) report, noong 2019 ay kinontrata ng PCP ang DPWH para sa pagtatayo ng Phase II ng Government Communication Academy sa Bukidnon na nagkakahalaga ng P45.7 million.