-- Advertisements --

Kumpiyansa ang Malacañang na mananatiling tapat sa Konstitusyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP), sa kabila ng mga pagsubok ng ilang grupo na hikayatin ang mga uniformed personnel na bawiin ang suporta sa lehitimong pamahalaan.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, matagal nang alam ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga ganitong hakbang mula sa maliliit na grupo.

Inihayag ni USec. Castro na matagal ng alam ng Pangulo ang umanoy coup plot.

Sinabi rin ni Castro na parehong nagpahayag ng katapatan sa Konstitusyon at sa chain of command sina AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. at PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.

“Ayon nga po kina General Brawner at General Nartatez, mananatili po silang tapat sa Konstitusyon at sa chain of command kaya wala pong dapat ikabahala ang taumbayan,” ayon kay USec. Castro.

Binigyang-diin din ni Castro na kinikilala ni Pangulong Marcos ang kagalingan at propesyonalismo ng AFP at PNP.

Mismong si AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner ang nagkumpirma na may ilang mga retiradong sundalo ang nagsusulong na bawiin ng AFP ang suporta nito sa Marcos administration.