-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Naitala sa Pigcawayan, Cotabato ang ikalawa nitong COVID-19 positive patient.

Batay sa impormasyon mula sa Provincial Inter-Agency Task Force on COVID-19, ang pasyente ay 27-anyos na lalaki at isang locally stranded individual (LSI) mula sa Parañaque na dumating sa Region 12 nitong July 8, 2020.

Dagdag pa ng Cotabato-IATF, isa ang naturang pasyente sa mga napauwi sa pamamagitan ng Hatid Tulong Program ng Pangulong Rodrigo Duterte kung saan bumiyahe ito lulan ng isa sa mga bus na ginamit sa programa mula Quirino Grandstand papuntang Sultan Kudarat.

Sa ngayon, asymptomatic at nasa mabuting kalagayan ang 27-anyos na pasyente na kasalukuyang nananatili sa Pigcawayan Isolation Facility.

Dahil dito, umakyat na sa 14 ang naitalang COVID-19 patients sa lalawigan ng Cotabato kung saan pito rito ang patuloy na nagpapagaling kabilang ang isa pang pasyente sa Pigcawayan, isa sa Midsayap, dalawa sa Libungan, isa sa Matalam at isa sa Kidapawan City.

Maliban dito, 11 pang COVID-19 positives ang nadagdag sa tala ng Department of Health – Center for Health Development Soccsksargen region.

Ito na ang pinakamaraming nadagdag na COVID-19 positives sa rehiyon sa loob lamang ng isang araw.

Ang lahat ng mga ito ay pawang mga LSI kabilang ang isang residente ng Cotabato City, dalawa sa Sultan Kudarat province, anim sa Sarangani at dalawa sa South Cotabato dahilan upang umakyat sa 122 ang kabuoang COVID-19 positives sa Region 12.

Tatlong recoveries naman ang naitala ngayon ng DOH-CHD XII kung saan isa rito ay residente ng Sarangani habang ang dalawa naman ay sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Umakyat narin sa 56 ang naitalang COVID-19 recoveries sa buong rehiyon.